Thursday, January 16, 2014

Sa pangalawang pagkakataon...

Kung gagawan ko man ang palabas na ito ng isang adaptasyon, gagawin ko itong mas positibo at mas siguradong pangwakas sa mga manunuod.

Halos lahat ng kaugalian ng bawat tauhan at sector ay pananatilihin kong pareho ngunit sa mas mataas lamang na antas nito. Ang asawa ni Henry Bemis at ang iba pang mga tao ay mananatiling ganoon ang pakikitungo kay Henry ngunit ipapakita ko na mas dumedepende sila sa mga makabagong teknolohiya ngayon kung saan aabot na sa punto ng paggising ng isang indibidwal ay mas nauuna pang buksan ang laptop kaysa sa talukap ng kaniyang mga mata. Ang mga tao rito ay nalulong na sa kapangyarihang kayang ibigay ng teknolohiya habang si Henry naman ay lalong minahal ang makakapal na libro at dumistansya sa mga tao. Siya ang tipo ng tao na kung walang kuryente’y ayos lang, kung mayroon nama’y ayos lang din. Hindi siya humahawak ng mga computer, ipad, cellphones, atbp kung hindi naman kinakailangan pati na rin sa pakikipag-usap sa mga tao. Ganito ang kinasanayan niyang buhay hanggang sa dumating ang araw na biglaang nawalan ng kuryente sa buong mundo. Ang lahat ay hindi naging produktibo sapagkat naniniwala sila na kung walang teknolohiya, walang trabahong magagawa. Sa bawat bansa ay mayroon lamang iilang taong tulad ni Henry at imbis na ikinatuwa nila ang paghihirap ng karamihan ng tao’y sila ang namuno o nagsilbing gabay upang alalayan ang mga taong halos ikamatay ang pagkawala ng teknolohiya sa buhay nila.  Naramdaman din kasi ni Henry kung gaano kaimportante sa kanyang buhay ang elektrisidad sapagkat tuwing gabi hindi niya magagawang magbasa at matatagalan at mahihirapang maglimbag ng mga panibagong libro. Wala ngang manghuhusga at pipigil sa kaniya, hindi naman niya hawak ang lahat ng oras partikular na sa gabi. Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng tao at kaalamang galing sa libro, nagawang maipanumbalik ng mga tao ang kuryente. Sa proseso ng pagsasaayos, nagawa ring mapahalagahan ng sangkatauhan ang kakayanan ng bawat kaalamang taglay na hatid ng mga libro. Sa sobrang saya at kasiyahan ng mga tao, kasama na si Henry roon, may nakatabig ng napakakapal niyang salamin at nabasag ito. “This is unfair! This is unfair!” ang paulit-ulit na isinisigaw ni Henry, ngunit bago pa siya tuluyang humandusay sa sahig, sinabihan siya ng isang kasama niya na: kung kaya ng librong bigyang-liwanag ang bawat lente ng pag-iisip ng nakararami, kaya naman ng teknolohiyang gamutin ang lente ng kaniyang mga mata. 

No comments:

Post a Comment