Thursday, January 16, 2014

Mahika sa Agham

Kumpara sa mga palabas na SciFi ngayon, masasabi ko na lamang ng isang basong effort ang obra maestra ni Georges Melies. Aminado naman ako na kung ang motibo mo lamang ay ang panunuod nito sa panahon ngayon, hindi ito kabilang sa isa sa mga magagandang pagpipilian. Ngunit kung sisisirin mo pa ang palabas, o pagaalayan ng ilang minuto upang pag-isipan na, “...kung ako kaya ay nasa panahon noong unang ipinalabas ito?” Sigurado ako na walang pinagkaiba ito kumpara sa lahat ng saya at hindi maipaliwanag na pakiramdam sa ibang mga unang karanasan ko. Siguro’y nakanganga sa loob ng panahong pinapanuod ko ito at papalakpak talaga ako nang malakas. Noon nga lang yung mga taong nakapanuod ng treng umaandar ay sinasabing nagtilian dahil sa sobrang takot nila sapagkat akala nila’y totoo ito at tatagos, papaano pa kaya sa mga mas kumplikadong bagay?

Mamamangha ako sapagkat una sa lahat ay ito ang pinakaunang scifi na palabas ang napanuod ko. Pangalawa, dahil sa lahat ng mga effects na isinasagawa sa bawat segundong lumilipas. Ang mga pasabog mula sa spaceship hanggang sa mga naglalahong nilalang ng buwan, ang pagkakaroon ng isang kumpletong mukha ng buwan, ang mga mahika, ang mga miniature at ang mga damit na tila’y halaw sa katotohanan! Kapansin-pansin na ang damit ng mga scientist ay parang mga wizard na maaaring nagpapahiwatig na ang propesyon nila’y kayang gawin ang mga hindi kapani-paniwalang bagay sa mundo. Na kaya nilang pakatotohanan o bigyang buhay ang mga ideyang hindi aakalaing maisasagawa. Sa loob ng ilang minuto’y napakarami nang nangyari at nadiskubre kung kaya’t hindi mo maiiwasang mapaisip na kung papaano nga ba ito isinagawa? Gaano katagal? Ano ang mga materyales na ginamit? maaaring ikabahala ko rin ang paglawak ng kaalaman at imahinasyon ko sapagkat maraming mga tanong ang maibubunga nito gaya na lamang ng buhay sa ibang mundo. Maaari ko ring katakutan na baka ang mga naninirahan naman sa buwan ang siyang dumayo sa mundo ng tao at salakayin ang lahat. 

No comments:

Post a Comment