Friday, March 7, 2014

'Di na natuto

            Kung ang sitwasyo’y mas nauna kong napanuod ang pelikula-dokumentaryong Imelda kaysa sa paulit-ulit na kinuha kong subject ukol sa kasaysayan ng Pilipinas, panigurado’y paniniwalaan ko ang lahat ng mga binibitawan niyang salita pati bibilhin ko ang mga larawang ipinapakalat niya. Madadala ako sa romansa nila ni dating Pangulong Ferdinand Marcos at tatangkilikin ang mga prinsipyo niya sa buhay na kayang-kayang isalarawan gamit ang hugis ng puso at iba pang mga pangunahing hugis. Halos kalahati ng palabas ay tumatawa ako o ngumingisi sabay iling sapagkat ang lahat ng mga depensa niya’y kung hindi taliwas ay sobrang ang babaw lamang. Tipong hindi makakayang pagtakpan ang kaniyang karumaldumal na nakaraan. Gaya nga ng sinabi ng isa sa mga nakapanayaman, “hindi siya makawala sa sarili niyang realidad” o “gumagawa siya ng sarili niyang realidad” hindi ako sigurado ngunit alam ko ganyan ang ipinaparating niya. Tunay nga naman, base sa mga isinasagot niya sa lahat ng mga katanungan, na ibang-iba ang mga pangyayari nuon sa mga ihinahayag niya. Hindi ako makapaniwala na siya ang asawa ng mabagsik na diktador ng Pilipinas—tila isang batang babaeng ipinagmamalaki ang mga regalo niyang natanggap, mga “medalya” kuno niya, at ng kaniyang kahali-halinang pagmumukha. Bilib nga rin ako sa kaniya sapagkat nagawa niyang humarap sa kamera at isalaysay pati ang parte ng kaniyang pagkatao na masalimuot nang balikan.
            Nais ko ring pagbigyan ng pansin ang konsepto niya ng pagiging isang “ina ng bayan” na ang obligasyon ay magtaguyod at maging ehemplo ng pagtangkilik ng pagmamahalan at “natural” na kagandahan. Hindi nga namang maitatanggi na naisagawa niya ito sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga gusaling maaaring pagtampukan ng ating kultura, ngunit sang-ayon din naman ako sa kumento na hindi naman kaya ng Pilipinas ang ganoong leisure sa panahong iyon. Kahit sa ngayon, sino ba ang nakapapasok at nakapanunuod ng mga presentasyon ng ating kayamanan? Masyadong nasasala lamang ang manunuod. Para sa aki’y masyado niyang inisip na ang pagmamahal ay nakapokus sa kultural na aspekto at sa pakikipagbesuhan sa mga tao, nakalimutan niya ata na ang pagmamahal ay pagmamalasakit sa kalagayan ng mga tao. Doon sila mayroong malaking pagkukulang sapagkat masyadong nasentro ang motibo sa kanilang pamilya. Hindi ba’t ilang pares ng sapatos na may tatak na pangalan niya ang koleksyon niya ‘pagkat binabagay niya ito sa kaniyang mga gown? Hindi ba’t ilang mga kwintas, hikaw, singsing, at iba pang mga palamuti ang nakalap sa palasyo? Ang kagandahan ay siya, ‘yan ang totoong pinaniniwalaan niya. Ang pagmamahalan ay naipalaganap niya, ‘yun ang akala niya.

            

No comments:

Post a Comment