Wednesday, December 4, 2013

Ito ay ang tatlo

Wala nang pagdadalawang-isip pa, ang Catching Fire ay isang science fiction, nakasaad na ito sa bawat website sa internet. Totoo nga naman sapagkat maraming elementong makabago sa aspekto ng Agham at Teknolohiya ang naipamalas sa aking napanuod. Isang isla kung saan napakaraming mga patibong gaya ng: mga ibong mayroong boses ng isa mong pinakamamahal na nilalang ang naghihikahos na humihingi ng tulong; kidlat na nakasentro lamang sa iisang puno ang tatamaan nito; force field na nakamamatay; fog na nakakalason atpb. Nakamamangha sapagkat  sa isang pindot lamang ay maisasagawa na iyon ng isang indibidwal. Ang bawat tagpuan din ay hindi totoo, mismo ang taun-taong Hunger Games ay hindi naman nangyayari sa kahit anong parte ng mundo. Ngunit ang pagtanggap ko rito ay bilang isang simbolismo, kaya masasabi kong hindi ito purong scifi. Ang pagsasagawa sa Hunger Games taun-taon ang siyang dahilan kung bakit naging kakaiba ito sa ating lipunan sa ngayon—ito ang simbolismong aking tinutukoy. Nagbunga ito dahil sa pagkatalo mula sa rebelyon ng mga distrito laban sa Capitol sa Panema. Ipinakita ng mga nasa kapangyarihang mayayaman kung gaano sila kalakas at kung gaano nila kayang abusuhin ang angking kapangyarihan sa mga nakararaming hamak na tao. Isa itong pagpapaalala kung gaano lamang kaliit ang mga mamamayan sa mga namamahala at isang leksyon sa rebelyong sinubok. Kaugnay nito ang sagot kung ang storya ba ay komentaryo noon, ngayon, o hinaharap...para sa akin, ito ang tatlo. Hindi ba swak na swak ito sa rehimeng Marcos kung saan inimplimenta ang Martial Law? Hindi lamang 23 ang namatay, hindi lamang iisang age bracket ang napuntirya, lahat walang takas basta ba’y taliwas ka sa kung anong tingin ng gobyerno na tama. Sa isang pitik ni Marcos, ilang taong paghihirap ang pinadanas niya sa mga Pilipino. Papaano nagagawang patahimikin ng gobyerno ang napakalaking isyu? Halimbawa’y Pork Barrel Scam, kahapo’y nasa kariktan ang usapan, kinabukasan ay isang katahimikan.  Ang pagkakakitaan ang mga tao mula sa pagsubaybay nito, noong 74th Hunger Games ay tila Pinoy Big Brother sapagkat pinili sila nang magkakaiba-iba habang ang 75th naman ay parang Pinoy Dream Academy kung saan may iisa silang “common ground” kaya sila napili—ang kanilang angking galing o kasanayan. Mga reality shows ay hindi na bago, sa layunin nito at ng Hunger Games ay maraming tugmaan ang nagtagpo.

Progresibo ang tagpo sa palabas, hindi na dapat pang kwestiyunin sapagkat nangingibabaw naman ang mga makabagong teknolohiya na ginagamit at pumapalibot sa isla pa lamang pati na sa mga kumokontrol ng mga patibong, ngunit, hanggang doon na lamang iyon. Hanggang sa pampisikal lamang na pag-unlad, hanggang sa mga piling tao lamang ang nakikinabang ng bentahe ng Agham at Teknolohiya. Sa karamihan, sa mga mahihirap na tao, wala itong ginagawa kundi gawin silang mga bilanggo. Limitado ang mga galaw at pagpipilian, sinasaktan, pinaglalaruan, at pinagkukuhanan ng kita gamit ang mga naimbentong dapat sana’y upang maisulong ang kalagayan ng sangkatauhan. Isa pa itong dahilan kung bakit hindi purong scifi ang pananaw ko sa palabas sapagkat isang depinisyon nito ay pag-unlad ng lipunan dahil sa makabagong teknolohiya ngunit kabaliktaran ito, ginagamit itong mga instrumento upang magpalaganap ng kasakiman at paniniiil sa mga nasasakupan.


Mula sa mga pangyayari noon at ngayon sa palabas man o sa totoong buhay, ano pa kaya ang maaasahan natin sa hinaharap? 

Julie Ann Olino Guevarra
2012-25207


No comments:

Post a Comment